Si Dr. Bernard Nathanson ay isang seyintista na responsable sa kamatayan ng 75,000 tao sa pamamagitan ng aborsyon. Isa siya sa mga nagtatag ng National Association for the Repeal of the Abortion Laws (NARAL) sa U.S. noong 1968. Siya ang unang gumamit ng salitang “pro-choice” at “woman’s right to choose”. Kaya sinumang gumagamit ng mga ito at nagsasabing wala itong kinalaman sa aborsyon ay ignorante. Bilang beterano sa industriya ng pagpatay ng mga sanggol, alam na alam niya kung ano ang mga pangyayari sa likod ng mga gawaing “pro-choice” lalo na sa usapin ng batas.
Inamin niya na kung totoong resulta ng survey ang pagbabasehan, lalabas na mas maraming mga Amerikano ang tutol sa aborsyon. Sa kabila nito, nakumbinsi nila ang Korte Suprema sa loob ng limang taon na gawing legal ang aborsyon sa buong America . Ang mga taktikang ginamit nila para magawa ito ay parehong mga paraan din na ginagamit sa iba’t ibang bansa para isulong ang mga makakamatayang panukala tulad ng RH Bill at Divorce Bill. Sinabi ni Dr. Nathanson na may tatlong taktika na nagbibigay sa kanila ng tagumpay sa kanilang mga gawain.
“The first key tactic was to capture the media.”
Ang media ang unang dapat makumbinsi na mayroong umiiral na problema (tulad ng overpopulation), at ang mga panukalang batas tulad ng RH Bill ang pinakamakatotohanang solusyon. Alam ng mga taong ito na kapag kakampi na nila ang media, mabilis na silang makakapasok sa isip at damdamin ng lahat. Sa pamamagitan ng media ay nagpapalabas sila ng mga sinungaling ng survey na nagsasabing mas maraming mga mamamayan ang pabor sa kanilang inihahaing solusyon. Sa kaso ng US , halimbawa, sinasabi ng grupong ito na ang bilang ng mga ilegal na aborsyon ay umaabot na ng 1,000,000 pero alam nilang ito ay wala pang 100,000. Pinalalabas din nilang 60% ng mga Amerikano ay sang-ayon sa legalisasyon ng aborsyon. Bagamat hindi totoo, nakukumbinsi nito ang publiko sa pamamagitan ng paulit-ulit na pagsasabi.
Sa Pilipinas, napatunayan ng isang matapat na survey na karamihan sa mga Filipino ay hindi sang-ayon sa pagsasabatas ng RH Bill, bagamat may ilan sa mga kababayan natin ang minsang sumang-ayon dito dahil sa panlilinlang ng mga tagapagsulong nito at dahil sa iresponsibleng pagtatrabaho ng media. Ang mapanlinlang na poll na ginawa ng SWS tungkol sa RH Bill ay naglalaman ng ganitong tanong:
Ang "Reproductive Health and Population Development Act of 2007" ay isang panukalang batas sa mababang kapulungan ng kongreso na magbibigay ng katungkulan sa gobyerno na magtaguyod ng programa ukol sa responsableng pagpapamilya o responsible parenthood sa pamamagitan ng sapat na impormasyon sa publiko at pagakakaroon ng mga ligtas, legal, mura at de-kalidad na serbisyong na pang-reproductive health sa mga taong may gusto nito. Kayo po ba ay PABOR o HINDI PABOR sa panukalang batas na ito?
E kahit sinong matinong isip e sasang-ayon kung ganyan ang imahe ng RH Bill na ipiprisinta sa kanila. Hindi nito binanggit ang mga kontrobersyal na elemento ng panukala, sa halip ay binigyan ng pro-RH na angulo ang mga tanong. Sa resulta ng mas bagong survey na ginawa ng HB&A International Research at Asia Research Organization, lumalabas na 90% ng mga sumagot ay hindi sumasang-ayon na magpasa ng batas ang Kongreso na mag-uutos sa mga eskwelahan na magturo ng tungkol sa sex sa mga batang may edad 10-11 kung saan ipiprisinta sa kanila ang teknikal at biolohikal na aspeto lamang nito, 94% ang hindi sang-ayon sa pagbibigay ng mga kontraseptibo sa mga kabataan nang walang pahintulot ng magulang, 91% ang hindi sumasang-ayon sa pagbibigay ng kahit 2 bilyong piso (ang aktwal na hinihingi ay P3 bilyon) para sa panukalang ito lalo pa kung aagawin ito mula sa mga programang nagsusulong ng totoong kalusugan, 94% ang hindi pumapayag na magpakabaog ang kanilang asawa nang wala ang kanilang pahintulot. Sa kalahatan, 92% ang tutol sa pagpapasa ng RH Bill, salungat sa nauna nang ipinalabas ng SWS.
“The second key tactic was to play the Catholic card.”
Pamilyar tayong lahat sa ganitong mga pakana. Ayon kay Dr. Nathanson, nagpapalaganap sila ng mga paninira tungkol sa Simbahang Katoliko at kinukumbinsi ang lahat na ang mga paraan ng Simbahan ay “paurong” kaya hindi umuunlad ang bansa. Sinasabi nilang ang Simbahan ang may kasalanan sa masasamang resulta ng ilegal na aborsyon dahil tinututulan nito ang mga tangkang pagsasabatas. Ganitong-ganito din ang argumento ng mga tagapagsulong ng RH Bill, at ngayon naman ay ng Divorce Bill. May mga pailalim din na nagsusulong ng legalisasyon ng aborsyon, at ginagamit din nila ang Simbahan para bigyang-katwiran ang kanilang mga pakana. Lagi nilang sinasabing ang mga tumututol lamang dito ay ang mga pari at mga obispo, at hindi talaga ang karamihan ng mga Katoliko. Ang nakakamangha at nakakatawa ay ang patuloy nilang pagbato sa Simbahang Katoliko kahit na ang mga katunggali nila ay hindi Katoliko. Patuloy nilang sinasabing hindi dapat nakikialam ang mga pari kahit layko naman ang kausap nila. Sinasabi nilang hindi dapat magdesisyon ang mga lalaki sa kalusugan ng mga babae kahit babae naman ang kaharap nila. Ipinapakita lang nito na ang kanilang taktika ay lituhin ang publiko at magturo ng kung sino-sino para makakuha ng simpatya at iligaw ang mga tunay na isyu.
Bulok na ang istilong ito bagamat marami pa rin ang naloloko, kasama na ang media. Ganito rin ang taktika ng kanilang ina na si Margaret Sanger. Noong nalaman niyang wala sa mga senador at sa mga kinatawan ang gustong magsulong ng panukalang mag-aamyenda sa Comstock Act, sinabi niya sa kanyang mga tagasunod na napakarami na ang sumasang-ayon sa ideya ng pag-amyendang ito maliban sa mga relihiyosong grupo, lalo na ang Simbahang Katoliko. Kasunod nito ay nagpalabas siya ng mga balitang magdudulot ng pagtatalo-talo sa pag-itan ng Simbahan Katoliko at Protestante. Naging matagumpay si Sanger na ilagay sa kanyang panig ang mga sektang pangrelihiyon na hindi Katoliko tulad din ng nangyayari sa Pilipinas.
“The third key tactic was the denigration and suppression of all scientific evidence that life begins at conception.”
Laging sinasabi ng mga tagapagsulong ng aborsyon at RH Bill na imposibleng malaman kung kailan eksaktong nagsisimula ang buhay. Ito ay upang alisin sa isip ng tao na mayroong pagpatay na nangyayari. Para sa kanila, hindi na dapat maghulaan tungkol dito dahil ang higit na mahalaga ay ang buhay ng ina. Ang tanong daw tungkol sa kung saan nagsisimula ang buhay ay usaping teolohikal, moral, at pilosopikal at hindi siyentipiko. Pero alam natin na kahit ang mga batang nag-aaral nang mabuti ay alam ang katotohanan tungkol dito.
* Sa awa ng Diyos, si Dr. Bernard Nathanson ay naging pro-life.
Source: http://www.aboutabortions.com/Confess.html
Source: http://www.aboutabortions.com/Confess.html
No comments:
Post a Comment