"Let us deal warily with them lest they increase still more and, in case of war, side with our enemy, fight against us." -Pharaoh against the children of God.

Saturday, May 7, 2011

Time is Running Out

 

"Araw-araw, labing-isang Filipina ang namamatay dahil sa mga komplikasyon sa pagbubuntis at panganganak."

Dahil araw-araw ay milyon-milyong piso ang ninanakaw ng mga nasa pwesto na dapat sana ay sumusuporta sa pangangailangan ng mga kababaihang nagbubuntis at nanganganak. Ano ba ang pumapatay sa labing-isang Filipina araw-araw; ang pagbubuntis o ang pagnanakaw? Kung ang pagbubuntis, dapat ay ipagbawal na ito; pero kung ang pagnanakaw, dapat lipulin na ang korupsyon. Kayo na ang sumagot kung alin ang tama: ipagbawal ang pagbubuntis para makapagpatuloy ang pagnanakaw, o tapusin ang nakawan para sa ikabubuti ng mga nagbubuntis?


"Dito sa ating bansa, apat na sanggol ang isinisilang bawat minuto o dalawang milyon bawat taon."

E ilang tao ang namamatay bawat minuto, at ilan din bawat taon? Masama ba talaga ang implikasyon ng pagkakaroon ng apat na sanggol na isinisilang bawat minuto? Sinong nagsabi? Ang World Health Organization na naniniwalang kailangan ng mundo ang aborsyon? O ang Estados Unidos na pumapatay ng milyon-milyong mga sanggol bawat taon? Kung naniniwala tayo sa tinatawag nilang "problema", hindi ba't kasunod nito ang paniniwala natin sa tinatawag nilang "solusyon"?

"Bawat isa sa kanila ay nangangailangan ng pagkain, edukasyon, tahanan, kalusugan, at pagmamahal."

Ano ang solusyon ng RH Bill? Pagkain ba, edukasyon, tahanan, kalusugan, at pagmamahal? Wala sa mga nabanggit. Sa P3 bilyon na gagastusin ng pamahalaan, wala dito ang mapupunta sa pagkain ng mga sanggol o ng kanilang pamilya. Hindi rin sila gagawing "RH Bill Scholars". Hindi sila ipagpapagawa ng bahay o bibigyan man lang kahit isang hollow block. Kukumbinsihin silang gumamit ng mga kemikal at instrumentong nagdudulot ng medikal na kondisyon. Higit sa lahat, tuturuan sila at ang kanilang mga magulang na ang karapat-dapat lang sa pagtanggap at pagmamahal ay ang unang dalawang anak.


"Mas maraming malalaking pamilya ang sadlak sa kahirapan."

Hangal ba kayo o talaga lang mapanlinlang? Mas maraming malalaking pamilya ang sadlak sa kahirapan. Ibig sabihin, may ilang malalaking pamilya ang maunlad at mayaman. Dahil ba sila ay maliit? Malaki nga e! Dahil ba nagmana sila ng yaman ng mga magulang nilang may mas maliit na pamilya? Hindi. Dahil ang "normal" na pamilyang Filipino noon ay sadyang malaki. Sa halip, mayaman sila dahil pinili nilang maging mayaman. Mayaman sila dahil hindi sila nagpalinlang sa kaisipan na dahil malaki ang kanilang pamilya ay nakatali na sila sa kahirapan. Mayaman sila dahil alam nilang ang sinumang myembro ng pamilya ay hindi pabigat kundi tulong sa kanilang pag-unlad. Ang magulang at ang buong pamilya ang nagpapasya kung paano at gaano nila gustong maging maunlad. Hindi ito nakatali sa bilang ng mga anak.

"Iginagapang ang kapakanan, edukasyon, at kalusugan ng mga anak dahil salat sa kabuhayan."

Dahil kuntento na ang pamahalaan na panoorin silang gumagapang habang ang nasa kapangyarihan ay laging nakaupo. Ang paggapang alang-alang sa pangarap na kaunlaran ay hindi masamang gawain o sitwasyon; ang tunay na napakasama ay ang kawalan ng pakialam ng mga taong dapat sana ay humahawak sa kamay ng mga taong nakadapa sa lupa.

"Kahirapan ba ang ating ipamamana sa kabataan?"

Hindi ako at hindi rin ang mga taong nagmamahal sa buhay. Ang mga taga-suporta ng RH Bill ang magpapamana ng kahirapan sa mga kabataan -- kahirapan ng kalooban dahil sa hindi mapagkasundong katotohanan at kasinungalingan; kahirapang magkaroon ng matibay at mapagmahal na relasyon sa kapwa at sa pamilya; kahirapang dulot ng mga problemang medikal na dulot ng paggamit ng kontraseptibo at kawalan ng disiplina; at kahirapang pang-ekonomiya na dulot ng mababang pangarap. Sa kabilang banda, ang responsableng magulang ay hindi nagsasabing, "Mahirap tayo dahil malaki na ang ating pamilya," sa halip ay buong sigla at pagmamahal na nagsasabing, "Pagsisikapan nating mas lalo pa tayong umunlad dahil malaki na ang ating pamilya."


"Taon-taon, mahigit sa kalahati ng pagbubuntis sa bansa ay hindi nakaplano."

Anong ibig sabihin? Na kapag naging batas ang RH Bill, ang mahigit sa kalahati ng pagbubuntis sa bansa ay nakaplano na? Anong pag-aaral ang nagsasabi na ang paggamit ng condom, birth control pill, at IUD ay makatutulong sa pag-unlad ng diwa ng responsibilidad ng isang tao? Sa paanong paraan matutulungan ng kontraseptibo ang mag-asawa (o hindi mag-asawa) na magkaroon ng pagmamahal at kasabikan sa pagiging magulang kung ang gawain nito ay tulungan silang tanggihan ang pribilehiyo na maging kamanlilikha, at bigyan ang tao ng kaisipan na hindi lahat ng sanggol na ibinibigay ng Diyos ay dapat isilang? Ito ay isang malaking kabaligtaran.


"Isa sa bawat Filipinang may edad 15 hanggang 24 ay mayroon nang anak."

Hindi nyo ba alam na kayong matatanda ngayon ay maaaring isinilang ng inyong ina noong sila ay nasa edad 15 hanggang 24? Bago ba ito sa mga Filipino? Hindi. Ano ang talagang bago? Ang bago ay ang pagiging "immature" ng mga kababayan natin ngayon na nasa ganitong edad. Ito ba ay dahil masyado pa silang bata? Hindi. Ito ay dahil lalong naging tanga ang mga Filipino noong tinuruan sila ng mga taga-Kanluran -- mga aral na gustong paigtingin ng RH Bill. Itinuro sa kanila ang tamang paraan ng pagiging iresponsable, ang kawalan ng respeto sa magulang, ang paghahanap ng madaliang solusyon, ang wastong paglapastangan sa katawan at sa mga kababaihan, at kung ano-ano pa.


"Ang pagsasabatas ng Reproductive Health Bill ay makapagliligtas ng maraming buhay..."

Buhay ng mga sanggol na hindi man lang naramdaman ng mga ina sa kanilang sinapupunan dahil pinatay sila ng kemikal na aborsyon?

"...makapagpapabuti sa kalusugan..."

Kalusugan ng mga babaeng mai-expose sa masasamang epekto ng contraceptives, at sa mga sakit at problemang medikal na maaaring idulot nito tulad ng breast cancer?

"...magtataguyod sa kapakanan ng ating pamilya..."

Sa pamamagitan ng pagbalewala sa mga karapatan at autoridad ng mga magulang, at sa pamamagitan ng pagsasabi sa mag-asawa na wala silang pakialam sa isa't isa sa usaping pangreproduktibo at pangkontraseptibo?

"...at makapagpapaunlad ng ating ekonomiya."

Sa pamamagitan ng pag-ubos ng bilyon-bilyong piso para sa mga proyektong walang kinalaman sa kapakanang pangtahanan, pang-edukasyon, at pangkabuhayan; sa halip ay para sa pagbili ng mga kemikal at mga instrumento na magtutulak sa mga mamamayan para paglaruan ang kanilang katawan, ilagay ito sa nakamamatay na sitwasyon, at akalain nilang ang lahat ay maaari nilang gawin nang walang pananagutan dahil protektado sila nito laban sa responsibilidad at mga sakit?

Kaya huwag na nating patagalin pa. Nauubos na ang oras. Kill the Reproductive Health (Bill) Law.

"Reproductive Health Saves Lives"

"Reproductive Health includes access to abortion." -- Hilary Clinton
Best Blogger Tips